Lalaking may mental health condition, arestado matapos lapastanganin ang imahen ni ‘Lolo Gorio’ sa Legazpi Cathedral

Litrato: Francis Ferhol Borras



Nahaharap sa kaukulang kaso ang isang lalaki matapos ireklamo sa paglapastangan at paninira sa 100-taong gulang na sagradong imahen ni San Gregorio Magno (Lolo Gorio) sa loob ng St. Gregory the Great Cathedral sa Old Albay District nitong umaga ng Martes, Abril 9, 2026.

Ang Pag-atake at Pag-aresto

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Legazpi City Police Station, naganap ang insidente dakong 8:40 ng umaga. Sa tulong ng CCTV footage at salaysay ng mga saksi, kinumpirma ng caretaker na si Francis Borras na inakyat at pinukpok ng bato ng suspek ang mukha at kanang kamay ng imahen.
Dahil sa lakas ng tama, nagtamo ng malalim na galos ang kamay at tuluyang nabasag ang glass eye ng estatwa. Mabilis na natukoy at naaresto ang suspek sa kahabaan ng F. Aquende Drive matapos ang positibong pagkilala ng isang babaeng vendor na nakasaksi sa paglapastangan.

Serye ng Paninira sa Lungsod

Lumabas sa ulat ng pulisya na hindi lamang simbahan ang pinuntirya ng suspek. Bago ang insidente sa katedral, nambato rin ito ng isang sasakyan at nanalasa sa mga Automated Teller Machine (ATM) ng isang bangko sa Barangay Tinago at Benny F. Imperial Street sa parehong araw.

Kondisyon ng Suspek at Hakbang ng PNP

Litrato: Legaspi City Police Station

Kinumpirma ni PLTCOL Arthur Tagtag Jr., Officer-in-Charge ng Legazpi CPS, na ang suspek ay hinihinalang may kinakaharap na mental health condition. Ayon sa ulat, nakaraang buwan lang ay itinurn-over na ito sa kanyang pamilya sa Bacacay upang ipagamot, subalit dahil sa kakulangang pinansyal ay muli itong nakabalik at nagpagala-gala sa lungsod.

Kasalukuyang inihahanda ng Legazpi CPS ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaso, habang inaaayos ang pansamantalang kustodiya ng suspek.

Pahayag ng Simbahan at Lokal na Pamahalaan

Sa isang opisyal na pahayag ng St. Gregory the Great Cathedral Parish, ipinaabot ang matinding kalungkutan sa sinapit ng patron, na itinuturing na mahalagang bahagi ng kasaysayan at debosyon sa Albay.

Litrato: The Albay Cathedral 

Nagpasalamat ang parokya sa mabilis na pagresponde ng kapulisan, sa pamumuno ni PLTCOL Tagtag, at sa katapangan ng mga saksi. Kinilala rin ang tulong ng lokal na pamahalaan sa ilalim ni Mayor Hisham Ismail na nangakong magbibigay ng medikal na suporta sa suspek.
“Sa ngonyan, pinag-aasikaso na kan Parokya an gabos sa pagpa-irahay/pagpakaray sa imahen nganing maibalik ini sa dating kamugtakan,” saad sa pahayag ng parokya

Comments