DIOCESAN SHRINE SA MALABON, NAGHAYAG NG PAUMANHIN AT NANGAKONG TITIGILAN NA ANG PAGGAMIT NG BALON SA SALUBONG MATAPOS ANG INSIDENTE SA KALAPATI

CONTENT ADVISORY: The following article contains sensitive images. Reader discretion is advised.


📸: Diocesan Shrine and Parish of the Immaculate Conception - Malabon / Facebook

Naglabas ng opisyal na pahayag ng paghingi ng paumanhin ang Diocesan Shrine and Parish of the Immaculate Conception (DSPIC) at ang Diyosesis ng Kalookan matapos umani ng matinding batikos mula sa mga animal welfare at environmental groups ang isang viral video mula sa kanilang Easter Sunday Salubong. Naging sentro ng kontrobersya ang isang buhay na kalapati na tinalian ng cable tie ang mga pakpak sa isang tungkod at pinalipad gamit ang mga balon—isang gawaing inilarawan ng mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga hayop bilang "pagpapahirap at pagpaparusa."

📷: Animal Kingdom Foundation

Ipinaliwanag ng parokya na ang paggamit ng buhay na ibon ay isang tradisyon na simula pa noong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, na itinuring na mas ligtas na alternatibo sa pagbibitin ng mga batang nakadamit anghel. Gayunpaman, inamin ng mga opisyal ng simbahan na ang naging paraan ng pagdiriwang ngayong taon ay "nakalulungkot," dahil ang inaasahan ay agad na palalayain ang ibon sa halip na itatali ito sa mga balon. Nilinaw ni Cardinal Pablo Virgilio David, na dumalo sa misa, na hindi niya alam ang detalye ng pagpapakawala sa ibon noong oras na iyon at pormal na siyang nagpahayag ng pagtutol sa nasabing gawain dahil sa kalupitan nito sa hayop at masamang epekto ng mga pumutok na balon sa kalikasan.

Photo: Diocese of Kalookan

Bilang tugon sa mariing reaksyon ng publiko, nangako ang parokya na tuluyan nang ititigil ang pagpapalipad ng mga balon sa mga susunod na pagdiriwang. Binigyang-diin ni Parish Rector Fr. Mariano Bartolome na ang debosyon ay dapat laging may kalakip na malasakit at pananagutan, bilang paalala sa mga mananampalataya na ang pag-aalaga sa lahat ng nilalang ng Diyos ay mahalagang bahagi ng pagpaparangal sa muling pagkabuhay ng Panginoon.


Nag-uulat Miranda, Ken Klark L. Flores, Una sa Aksyon Balita

Comments