4 NA STUDENT HIKERS, MATAGUMPAY NA NAISALBA SA BANTAY KALBO, CLAVERIA
Matagumpay na nailigtas ng mga awtoridad ang apat na estudyanteng hikers, na may edad 16 hanggang 20 taong gulang, matapos silang ma-stranded at maligaw sa matarik na bahagi ng Bantay Kalbo sa Barangay Taggat Sur nitong Sabado, Abril 18, 2026. Bandang alas-12:00 ng tanghali nang makatanggap ng tawag ang mga awtoridad mula sa isang menor de edad na kasamahan ng grupo. Ayon sa ulat, naiwan ang apat sa kabundukan matapos silang maligaw ng ruta at hindi na makaplakad dahil sa matinding pagkapagod.
Agad na bumuo ng joint rescue team ang Claveria Police Station, sa pamumuno ni PCOL Mardito Anguluan, katuwang ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at ang Philippine Coast Guard (PCG) Sub-Station Claveria. Sa loob lamang ng 44 minuto, o bandang alas-12:44 ng tanghali, natunton ng mga rescuer ang mga biktima na natagpuang nanghihina at nakakaranas ng dehydration dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig.
Matapos lapatan ng paunang lunas ng mga Barangay Health Worker, ligtas na ibinaba ang mga hiker at isinakay sa isang rubber boat patungo sa Blue Lagoon Beach sa Taggat Norte. Mula rito, agad silang dinala sa Rural Health Unit (RHU) para sa mas masusing medikal na pagsusuri bago tuluyang i-turn over sa MDRRMO para sa kaukulang dokumentasyon.
Binigyang-diin ng Cagayan Police Provincial Office ang kahalagahan ng paghahanda at pagkakaroon ng local guide kapag aakyat ng bundok upang maiwasan ang mga ganitong insidente.
Comments